WAKAS NG KWENTONG HINDI NASIMULAN

Hindi ko alam kung paano sisimulan ang kwento.
Ang kwentong hindi ko nga alam kong nagsimula nga ba?
O ito yung kwentong noong bubuohin pa lamang ay natapos na.
Aklat ng ating kwento na matagal-tagal ko na ring isinusulat, pero tila ito’y wala pa rin maging man lamang sa pabalat.

Matatapos pa kaya ito?
O mananatili nalang itong ganito, patuloy na nagpapatuloy kahit na tila wala itong kasiguraduhan kung kailan tatampusin ng tuldok.

Maari mo ba akong turuan kung paano tapusin ang kwentong hindi nasimulan? Ang kwentong binalot na agad ng wakas kahit ito’y naguumpisa pa lamang, Ni hindi man lamang umabot sa tunggalian upang subukin ang ating pagmamahalan.
Kung saan magkakaroon tayo ng tampuhan, kahit na nasasaktan ikaw pa rin ay aking iingatan.
Mga pagkakataong ikaw lamang ang aking malalapitan, at kung saan sa t’wing umuulan ikaw lamang ang aking sisilungan.
Pero lahat ng iyun ay napigilan ng hangganan, hangganang hindi ko alam kung saan nananahan.
Nang masubukan kung tanggalin upang ikaw ay aking malapitan.
Ngunit tila maging ang aking paghahanap ay nagkaroon na rin ng katapusan.

Ang hirap palang umasa lalo na kung hindi ka niya pinasaa, pero masisisi mo baako kung bakit ako kaya ako umasa?
Kung sa t’wing kami’y nagkikita ako’y kanyang napapatawa, sa mga kalokohan niya ako’y kanyang nadadala.
Na sa t’wing aayain niya akong umalis at sasabihin niya ang “tayo na”, na iniisip ko na sana yung tayo na ay para maging kami na.
Nang hindi na kami maging ganito, At masabi ko na ang damdaming matagal ko nang tinatago.
Damdamin na tila ay naghihingalo, damdaming maaring maging dahilan upang ikaw ay lumayo.
Na siyang ayaw kong mangyari, na ikaw ay humayo at iwan mo akong mag-isang nakatayo.

Kailan ba natin masisimulan?
Ang kwentong nating dalawa na tila nanawawalan na ng dahilan,
Dahilan para ipagpatuloy ang kwentong na matagal na nating dapat nasimulan. Masama bang mahalin ang isang kaibigan, pagkakaibigan na sana ay humantong sa wagas na pagiibigan.
Na kahit ang pagmamahal niya sa akin ay walang kalaliman ay handa naman ako upang ito ay punan.
Punan sa kahit anong paraan na hangga’t sa aking makakayanan,
kahit na ang ganitong sitwasyon ay isang nang malaking katangahan.

Magkagayunpaman, mas pinili ko pa rin ang maghintay.
Maghintay na kahit walang kasigurahan, maghintay na kahit nawawalan na ako ng pag-asa, maghintay kahit wala ng dahilan.
Dahil nakikilala mo na siya, ang siya na sana ako nalang.
Ako nalang sana, pero siya pa rin ang mas matimbang.
Kaya naman, hindi ko pinakita na ako’y nasasaktan, tinulungan pa rin kita sa surpresa na sana sa akin mo nalang ginagawa.
Ako pa rin ang iyong nilalapitan kapag kayo ay may alitan, tatanungin mo ako kung ano ang regalong dapat mong ibigay upang kayo ay muling magkasunduan.

Ganun ka kahalaga, ganun kita kamahal.

Kahit na para akong bulag na hindi pa rin makita, na ang siya sa buhay mo ay hindi ako.
Kahit na para akong bingi sa mga sinabi ng aking mga kaibigan na tama na.
At kahit na para pa rin akong pipi, ni man lang masabi ang aking nadarama para sayo.
Pinili ko pa ring ipagtuloy ang kalokohan ito.
Kaya noong nagkaroon kayo ng malubhang alitan, ako agad ang iyong nilapitan. Sinabi mo lahat sa ‘kin ang naging dahilan, dahilan para umabot kayo sa hiwalayan.
Hindi ko alam kung matutuwa ba ako dahil wala na siya.
O masasaktan ako dahil nakikita kitang umiyak dahil sa kanya.

Buti pa ang kwento niyong dalawa ay natapos na.
Humarap sa mga tunggalian na sana narating din nating dalawa.
Hindi bilang magkaibigan kundi bilang nagmamahalan.
Na sana kung ako nalang, ako nalang, marahil hindi ka nasasaktan ng ganito.
Na kung marahil nakita mo lang ako, masaya na sana tayo ngayon.
Pero siya ang pinili mo.

Alam mo ba?

Ngayon ko nagpagtanto.
Ang kwentong matagal ko palang sinulat ay matatapos na.
Hindi pala ito yung kwentong inakala ko na kwento natin, kundi ito ay kwento ko lang.
Kwento ko lang kung saan minahal ko ang kaibigan ko.
Kwento kung saan minsan sa buhay ko ay naging tanga ako.
Pero marahil siguro panahon na para maging masaya naman ako.
Panahon na para palayain ko ang sarili ko sayo, dahil kailaman ay hindi mo ako magagawang mahalin.

Kaya naman. . . "Hanggang dito nalang ito." 

Mga Komento